May anim na dugong at limang green sea turtles o pawikan ang namataang naghahanap ng pagkain sa baybayin ng Kalamansig, Sultan Kudarat, ayon sa DENR Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa lugar.

Batay sa CENRO Kalamansig, nakunan ang mga hayop sa dagat sa pamamagitan ng isang drone sa baybayin ng Poral, na sumasaklaw sa mga Barangay Santa Maria at Cadiz, sa isinagawang marine turtle monitoring activity noong Miyerkoles, Oktubre 21.

Layon ng misyon na tutukan ang mga aktibidad ng mga pawikan at suriin ang mga kondisyon ng baybayin na may kinalaman sa pagprotekta sa mga yamang dagat at kanilang mga tirahan.

Idiniin ng field office na nagpapakita ang pagtaas ng bilang, mula sa isang dugong noong nakaraang semestre hanggang anim na nitong semestre, sa kritikal na kahalagahan sa ekolohiya ng tubig-dagat ng Kalamansig sa biodiversity ng dagat.

“Through ongoing field documentation, CENRO Kalamansig continues to gather data to guide conservation planning and strengthen protection for these threatened species,” saad nito.

“To ensure their continuous safety, the DENR advises the public that both species are strictly protected under Republic Act No. 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act), which bans harming, hunting, or trading them. Any wildlife sightings, strandings, or violations should be reported immediately to the authorities to support local conservation efforts,” dagdag ng ahensiya. — Jamil Santos/VBL GMA News