Sinagip ng mga mangingisda ang dalawang dambuhalang butanding na aksidenteng pumasok sa kanilang lambat sa Binmaley, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa karagatang sakop ng Barangay Baybay Lopez kaninang bago mag-8:00 am.

Nagtulong-tulong ang mga mangingisda para makalabas ng lambat ang dalawang butanding at maibalik sila sa malalim na bahagi ng dagat.

Ayon sa kumuha ng video na si Rosemarie Lapaz, halos wala nang mahuli ang mga mangingisda dahil sa mga butanding.

Samantala, isang rough-toothed dolphin naman ang ligtas na naibalik sa dagat nitong Linggo.

Bago nito, ilang mangingsida mula sa San Fabian, Pangasinan ang nagdala sa naturang dolphin sa tanggapan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Masusing sinuri muna ng BFAR ang kalusugan ng dolphin, at nang matiyak na maayos ang kalagayan nito, muli na itong pinakawalan sa dagat.—FRJ GMA News