Patay ang isang barangay tanod matapos na mabaril sa isang birthday party sa Iloilo City. Ang biktima, rumesponde matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa nangyayaring kaguluhan sa lugar.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakatanggap ng impormasyon ang barangay na may nag-aaway sa isang birthday party sa Barangay Cubay, na sangkot ang tiyuhin ng may kaarawan at ilang bisita.

Sa gitna ng kaguluhan, isang lalaki ang nasuntok at natumba. Umuwi ito at nang bumalik ay may dala nang baril at ilang beses nagpaputok.

Tinamaan ng bala ang tanod at hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Nadakip naman ang suspek na mahaharap sa reklamong homicide at frustrated homicide. May dagdag pa siyang reklamo na kakaharapin dahil hindi nakarehistro ang kaniyang baril.

Wala pang pahayag ang suspek, ayon sa ulat. – FRJ GMA News