Isang site engineer at isang magtiyuhin ang nasawi sa magkahiwalay na pananambang na naganap sa Davao City ngayong Biyernes. Ang mga suspek sa dalawang insidente, mga nakasakay sa motorsiklo.
Sa ulat ni Danica Raneses sa GMA Regional TV One Mindanao, dakong 8:00 am nangyari ang pananambang sa 30-anyos na site engineer sa Barangay Matina Pangi, Davao City.
Agad na nasawi ang biktima matapos na pagbabarilin sa loob ng kaniyang kotse habang papasok umano sa trabaho.
Anim na basyo ng bala ang nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon sa mga mga awtoridad, hindi na gumagana ang CCTV camera sa lugar mula pa noong 2018 kaya maghahanap sila ng iba pang CCTV footage na maaaring makatulong sa isinasagawang imbestigasyon.
Samantala, sakay naman ng tricycle ang isang magtiyuhin na pinagbabaril din ng mga salarin na sakay ng motorsiklo malapit sa isang paaralan sa Calinan, Davao City, kaninang hapon.
Ayon sa isang barangay official, pauwi na ang mga biktima galing sa pagsamba nang mangyari ang pananambang.
Matagal na umanong residente sa barangay ang isang biktima, habang galing naman sa Lanao del Sur ang isa pa na ilang araw pa lang naninirahan sa lugar.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad. – FRJ GMA News
