Pinagbabaril habang natutulog ang isang mangagalakal na umano'y suspek sa ilang insidente ng nakawan at panggagahasa sa Vigan City, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Kim Bandarlipe ng RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Joseph Pido, 31-anyos, na pinagbabaril sa labas ng isang bahay sa Barangay Camanggaan.

"Ayon dun sa witness, yung darling niya, kasi may darling siyang bakla, natutulog na sila noon. Tapos may dumating na mga kalalakihan at inihiwalay siya doon sa victim at doon na pinagbabaril si Joseph," sabi ng officer-in-charge ng Vigan City Police Station na si Police Superintendent Jugith Del Prado.

Bukod sa 18 basyo ng bala mula sa iba't ibang kalibre ng baril,  may narekober din sa crime scene na isang pakete ng hinihinalang marijuana na nasa paanan ng biktima.

Posible raw kilala ng biktima ang mga salarin dahil sa masukal at malayo raw sa bayan ang lugar na pinangyarihan ng krimen.

Ayon sa pulisya, dating naharap sa kasong panggagahasa at robbery ang suspek, at sangkot din umano sa ilang serye ng nakawan sa lungsod at katabing bayan.

Hindi pa tiyak ng pulisya kung may koneksyon nga ang pamamaril sa mga kasong kinasangkutan ng biktima.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News