Pumanaw na ang 19-anyos na Grade 11 student na dalawang araw na-comatose matapos na pagtulungan umanong gulpihin ng tatlo niyang kaeskuwela sa loob ng kanilang paaralan sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon ng RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Huwebes,  sinabing isinugod sa ospital ang biktimang si Kenneth Langit, makaraang mawalan ng malay dahil sa tinamong pananakit sa mga suspek na nasa kostudiya na ng pulisya.

Kinilala ang mga suspek na sina George Maramba, Jason Soriano, at Jay-R Biagtan, na pawang Grade 12 students.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, palabas na ng canteen ng paaralan ang biktima nang lapitan ni Maramba at pinagsusuntok.

Lumaban naman si Langit pero sumaklolo na ang dalawa pang suspek at sumama na sa pananakit sa biktima.

Nakalabas pa umano ng canteen ang biktima bago mawalan ng malay.

Ayon sa tiyuhin ng biktima, lumitaw na may magdurugo sa utak ng kaniyang pamangkin.

Lumilitaw naman sa imbestigasyon na posibleng selos ang ugat ng gulo dahil nagkakagusto umano kay Langit ang nobya ng isa sa mga suspek.

Sumuko sa pulisya sina Maramba at Soriano, habang naaresto sa manhunt operation si Biagtan.

Tumangging magbigay ng pahayag sina Maramba at Soriano, habang iginiit ni Biagtan na wala siyang kasalanan. -- FRJ, GMA News

Tags: