Hinangaan ng netizens ang larawan ng isang babae na makikitang lumuhod sa harap ng kaniyang ama na may taas na two feet and three inches upang maisabit sa kaniya ang hood sa kaniyang graduation sa Pangasinan.



Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, ikinuwento ng bagong graduate na si Jinalyn Tan, tubong  Urbiztondo sa Pangasinan, na ini-upload niya ang naturang litrato para maipabatid sa publiko na proud siya sa kaniyang tatay na si mang Jerome.

"Hihiram sana ako ng upuan kaso lumuhod na lang ako para mas magandang tingnan. Kinakabahan na ewan po... parang usto ko nang umiyak sa kanilang harapan," sabi ni Jinalyn.

Naglalako ng ice buko sa barangay si mang Jerome gamit ang mini bike, habang overseas Filipino worker ang kaniyang misis.

Dahil OFW ang kaniyang misis, si mang Jerome na ang tumatayong ama at ina sa kanilang mga anak.

Sabi ni mang Jerome, wala raw silang pinag-aralan ng kaniyang misis kaya ang tanging pangarap lang daw nila ay makapagtapos at magkaroon ng maayos na buhay ang kanilang mga anak.

Sa pag-akyat nga raw niya sa stage kasama si Jinalyn, itinuturing daw ito ni mang Jerome na ultimate reward sa lahat ng kanilang mga sakripisyo.

"Masaya, para kang lumilipad sa hangin," nakangiti niyang pahayag.--FRJ, GMA News