Isang batang babae sa Iloilo ang pumanaw dahil umano sa dengue.  Ayon sa ina ng biktima, dinala niya ang nilalagnat na anak sa ospital pero pinauwi rin sila ng doktor dahil karaniwang lagnat lang umano ang iniinda ng biktima.


Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, sinabing hindi pa rin makapaniwala si Ramelyn Generales ng Arevalo, Iloilo, na wala na ang kaniyang masayahing anak na si Syra Mae.

Kuwento ng ginang, Lunes, Hulyo 22, nang nilagnat ang kaniyang anak at kinakitaan ng sintomas ng dengue nang magpa-check-up sa health center ng Arevalo.

Inireklamo rin umano ng bata na naninikip ang dibdib nito at hindi makahinga nang maayos kaya dinala na nila sa Western Visayas Medical Center.

Pero nitong Huwebes, pinauwi na raw sila ng doktor dahil hindi naman daw positibo sa dengue ang bata kahit hindi umano sinuri at ang dugo at platelet count ng bata.

"Tanong ko, 'Doc, bakit discharge eh kuwarenta pa lagnat ng anak ko?' Tapos nagsabi siya na, 'Actually, wala kayong dengue, hindi 'yan dengue. Nagsusuka at lagnat lang kayo,'" patuloy ng ginang.

Kinabukasan [Biyernes], lumabas na positibo sa dengue si Syra Mae at kritikal na ang kondisyon nito hanggang sa bawian na ng buhay.

Ayon sa ulat, tinangkang kunin ng news team ang pahayag ng mga opisyal ng WVMC ngunit tumanggi silang magkomento habang patuloy pa umano ang imbestigasyon.

Si Syra Mae, ay isa lamang sa 1,146 kaso ng dengue na naitala sa lungsod ng Iloilo, kung saan 11 na ang namatay.

Dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng dengue, nagsulong ng resolusyon si City Councilor Allan Zaldivar, chairman ng committee on health, na suspindehin ang pagsuot ng school uniform sa mga paaralan at payagan ang mga bata na magsuot sa klase ng mga damit na maaaring maging pangontra sa lamok.

Sa buong bansa naman, umabot na sa mahigit 130,000 na kaso ng mga tinatamaan ng dengue, base sa tala ng Department of Health mula Enero hanggang Hulyo.

Ang naturang bilang ay halos doble na umano ang dami kumpara sa mga kasong naitala noong nakaraang taon, ayon sa isang opisyal ng DOH.-- FRJ, GMA News