Nasawi ang isang 13-anyos na batang lalaki matapos mapaso ang kaniyang katawan mula sa mga paputok na aksidente nilang nasindihan ng kaniyang kaibigan sa General Santos City.

Sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Martes, sinabing binili ng mga magulang ng biktima ang mga luces at kuwitis para salubungin ang Bagong Taon.

Naglalaro umano ang bata at ang 16-anyos niyang kaibigan ng lighter at aksidente nilang nasindihan ang mga paputok.

Naapula naman agad ang apoy sa tulong ng kanilang mga kaanak at kapitbahay.

Agad na isinugod sa ospital ang dalawang bata pero makalipas ang ilang araw, pumanaw ang 13-anyos na biktima dahil sa tindi ng mga tinamong paso.

Nasunog naman ang bahagi ng likod ng kaniyang kaibigan at patuloy na nagpapagaling. 

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang mga pamilya ng mga biktima. —Jamil Santos/KG, GMA News