Patay ang isang barangay tanod sa Sinait, Ilocos Sur matapos siyang pagbabarilin habang nagpapahinga sa duyan sa minamanduhang checkpoint.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Jenny Sarte, tanod ng Barangay Sapriana.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagtamo ng tama ng mga bala sa mukha at katawan ang biktima.

Habang natutulog ang biktima sa duyan, lumapit umano ang salarin ay pinagbabaril si Sarte. Naglakad lang umano palayo ang salarin matapos gawin ang krimen.

Nagtakbuhan naman ang mga kasama ng biktima nang makarinig sila ng mga putok ng baril.

Dahil sa nangyari, itinigil muna ng barangay ang kanilang checkpoint.

Wala raw maisip na dahilan ang mga opisyal ng barangay sa posibleng motibo sa krimen.

Samantala, sinabi ng pulisya na batay sa kuwento ng pamilya ni Sarte, nasangkot noon sa insidente ng pananaksak ang biktima pero matagal na panahon na iyon.

Patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon para matukoy ang salarin.

Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag sa media ang pamilya ng biktima.--FRJ, GMA News