Patay ang isang bumbero na sakay ng motorsiklo nang barilin siya ng isang rider gamit ang shotgun sa Sto. Domingo, Ilocos Sur.  Ang shotgun, iniabot daw ng babaeng angkas ng salarin.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," kinilala ang biktima na si Senior Fire Officer 1 Gerry Gampayon, nakatalaga sa San Juan Fire Station.

Sa imbestigasyon ng pulisya,  sinabing sakay ng motorsiklo ang biktima at kaangkas ang kaniyang live-in partner.

Pagsapit sa Barangay Lusok, napansin umano ni Gampayon na sinusundan sila ng rider na may angkas din na babae na muntik na nilang makabanggaan sa Vigan.

Tumigil umano ang biktima para komprontahin ang pinaniniwalaang sumusunod sa kanila. Pero inabutan daw ng angkas na babae ng shotgun ang salarin at binaril si Gampayon na kaniyang ikinamatay.

Ligtas naman sa pamamaril ang ka-live in ng biktima.

Ang pulisya, tinitingnan din ang posibilidad na baka mayroong ibang nakaaway ang biktima tulad sa trabaho.

Pero sinabi ng isang kasamahan ni Gampayon sa trabaho na walang kaaway sa kanila ang biktima at maayos ang kanilang samahan.

Umaasa ang mga katrabaho at kaanak ng biktima na mabibigyan siya ng hustisya.--FRJ, GMA News