Dalawang mag-aaral ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City ang nasawi matapos silang pagbabarilin sa loob mismo ng compound ng unibersidad.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Miyerkules, makikita sa video ang mga tao na dumagsa pinangyarihan ng krimen.

Ang isang biktima ay kumukuha umano ng kursong Physical Education, habang Civil Engineering student naman ang isa pang nasawi.

Kinondena ng mga estudyante at administration staff ang nangyaring krimen sa kanilang unibersidad.

Pinuna naman ng mga netizen ang umano'y maluwag na seguridad sa unibersidad. Wala rin daw CCTV at kulang ang ilaw sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang pamunuan ng unibersidad kaugnay sa nangyaring insidente.-- FRJ, GMA News