Tatlo katao ang nasawi at limang iba pa ang sugatan nang araruhin ng isang tanker truck ang dalawang tricycle at isang bahay sa Mariveles, Bataan.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa pababang kalsada ng Barangay Baseco.

Ayon sa opisyal ng barangay, nawalan daw ng kontrol ang driver sa truck na nawalan ng preno kaya bumulusok ito pababa at nahagip ang dalawang tricycle at bumangga sa bahay.

Patay ang driver ng isang tricycle at dalawang pasahero.

Batay umano sa pahayag ng ibang tricycle driver na nakasaksi sa insidente, mabilis ang takbo ng truck.

Wala pang pahayag ang mga kaanak ng mga nasawi, habang nasa kostudiya ng pulisya ang driver ng truck na hindi rin pa nagbibigay ng pahayag.--FRJ, GMA News