Tumilapon ang isa sa dalawang sakay ng isang motorsiklo matapos silang sumalpok sa papalikong SUV sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV na maayos at maluwag ang national highway sa Barangay Gueguesangen.

Maya-maya pa, isang SUV ang dahan-dahan na lumiliko patawid sa highway para pumasok sa garahe.

Pero bago pa makatawid ang SUV, dumating na ang motorsiklo na may dalawang sakay at sumalpok sa tagiliran sa hulihang bahagi ng SUV.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon at sumirko sa ere ang isang sakay nito.

Ayon sa pulisya, lumilitaw sa paunang imbestigasyon na nakainom ang rider ng motorsiklo.

Nasa maayos na kalagayan ang mga sakay ng motorsiklo bagaman nananatili pa rin sa ospital.

Hindi naman nasaktan ang driver ng SUV.--FRJ, GMA News