Sugatan ang isang babaeng naglalakad sa gilid ng kalsada nang tamaan siya ng sumemplang na motorsiklo sa Ilocos Sur.

Sa ulat ni Marjorie Padua sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV ang pagsemplang ng motorsiklo sa palikong bahagi national highway sa Barangay Bannuar.

Nagkataon naman na naglalakad sa gilid ng kalsada ang isang babae at tinamaan siya ng motorsiklo.

Sugatan ang babae at maging ang rider ng motorsiklo.

Ayon sa pulisya, nagkausap at nagkaareglo ang rider at ang babae.

Samantala, isang SUV ang nasunog sa TPLEX sa bahagi ng Pura, Tarlac.

Ayon sa awtoridad, nagmula sa Caloocan City ang sasakyan at patungo sana sa Baguio City.

Napansin umano ng may-ari ng sasakyan na may umuusok sa hood ng SUV kaya itinabi niya ito at bumaba ang walong magkakaanak na nakasakay.

Gayunman, lumaki ang usok hanggang sa tuluyang mag-apoy ang sasakyan.--FRJ, GMA News