Isang ginang na nagbibisikleta at bibili lang sana ng gamot ang nabiktima ng hit-and-run ng isang rider sa Bacoor, Cavite.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV camera na tatawid sa kabilang bahagi ng kalsada ang biktima sa Barangay San Nicolas Dos nang salpukin siya sa likuran ng motorsiklo.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima at humandusay sa kalsada.

Tumakas naman ang rider.

Nagtamo ng sugat sa ulo sa biktima na tinulungan ng mga taong nasa lugar. Mapalad na nakaligtas siya at walang kasunod na sasakyan na maaaring nakasagasa sa kaniya.

Ang anak ng biktima na si Joshua Alteza, naghihinanakit sa rider dahil hindi man lang ito tumigil para tulungan ang nakahandusay niyang ina.

Nanawagan ng tulong ang pamilya ng biktima dahil sa lumalaking sa bayarin sa ospital. Kailangan pa kasing sumailalim sa CT scan at ilan pang medical procedure ang ginang dahil sa tinamo niyang sugat sa ulo.

"Sana naman makonsensiya siya [rider]. Hindi naman biro yung nangyari. Parang ganun-ganun na lang," sabi ni Alteza.

Hindi pa nagbigay ng pahayag ang Bacoor Police habang patuloy pa ang kanilang imbestigasyon, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News