Umani ng batikos ang isang motor show sa Tayug, Pangasinan dahil nagmistula raw itong bold show nang magsayaw ang ilang lalaki nang nakahubad at may nagbaba pa ng brief habang nasa entablado.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing iniimbestigahan ng pulisya ang naturang insidente alinsunod sa utos ng lokal na pamahalaan na dismayado rin sa nangyari.

Ayon sa pulisya, isinagawa ang motors show sa gymnasium. Sa video na kumalat maging sa social media, makikita ang ilang kalalakihan na nasa establado ang nagsayaw nang nakahubad.

May pagkakataon din na may nagbaba ng kanilang brief habang nakatakip ang isang kamay sa maselang bahagi ng kanilang katawan.

Marami umano ang nadismaya sa nangyari, pati na ang lokal na pamahalaan na iginiit na permit para lamang sa motor show ang ibinigay nila sa organizer.

Ayon sa pulisya, lima ang lalaking sangkot sa pagsasayaw na nagsimula umano sa isang "challenge." Tatlo sa kanila ay residente sa Tayug.

Nakausap na rin ng pulisya ang mga nag-organisa ng motor show.

"Yung dalawa umamin na nakainom sila, inamin noong isa na nakatiyawan, hindi nila namalayan na hubaran na, Sabi noong isa nahihiya sila at nagso-sorry, hindi nila alam na abot sa ganito," ayon kay Police Major Anastacio Sibayan Jr., OIC, Tayug Police Station

Ipinaliwanag din umano ng organizer na challenge daw ang ipinagawa sa mga kalahok pero hindi nila inasahan na aabot sa hubaran ang pangyayari.

Inaawat din umano nila ang mga lalaki pero hindi na naawat.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ng organizer at mga lalaking nagsayaw, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News