Arestado sa Maynila ang lalaking itinuturong gumahasa sa anak ng kanyang kinakasama sa Zamboanga Sibugay.

Iniulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Biyernes na matapos ang siyam na taong pagtatago naaresto ng Baseco Police ang 36-anyos na suspek na tinuturing na top 1 most wanted ng lalawigan.

Kinasuhan siya ng tatlong bilang ng rape, at ayon sa Baseco Police, hinalay umano ng suspek noong 2013 ang anak ng kanyang kinakasama. Limang-taong-gulang pa lamang umano noon ang bata.

Nagpalipat-lipat raw ng pagtataguan ang suspek, limang taong nagtago sa Zamboanga, tapos lumipat sa Cebu at nanatili  raw doon ng dalawang taon.

Kalauna'y lumipat na raw ito sa Baseco Compound sa Tondo. Dito na siya natunugan ng mga awtoridad.

Ayon sa mga pulis, inamin ng suspek ang ginawang krimen, pero nang tanungin ng mga miyembro ng media, itinanggi niya ito.

Sinabi nito na posible umanong dahil sa galit sa kanya ng lola ng bata kaya siya pinaratangan. Dagdag pa ng suspek, itinuring niyang parang tunay na anak ang biktima.

Hawak ng Baseco Police ang suspek.  —LBG, GMA News