May bibilhin lang sana ang isang babae at ang kaniyang batang pamangkin nang pagbabarilin sila ng salaring sakay ng motorsiklo sa Pagudpod, Ilocos Norte.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na si Lea Baloloy, 39-anyos, at pamangkin niyang si John Kurt Daguro, 6, ng Barangay Subec.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng mga tama ng bala sa likod ang mga biktima. Labing-isang basyo ng bala mula sa kalibre .9mm na baril ang nakuha sa pinangyarihan ng krimen.

Tumakas ang salarin matapos ang krimen sakay ng motorsiklo. Pero nadakip din siya sa follow-up operation at kinilalang si  Carlos Angel Mangoagui Jr., 43-anyos, isang truck driver.

May tinutukan na umanong motibo sa krimen ang pulisya.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang suspek, pero ayon sa pulisya, nagsisisi raw si Mangoagui sa nagawang krimen.

Mahaharap ang suspek sa reklamong double murder.--FRJ, GMA News