Nasawi ang tatlong magkakaibigan nang sumalpok sa nakaparadang truck na nagpapalit ng gulong ang sinasakyan nilang motorsiklo sa diversion road sa Taal, Batangas

Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Jennylyn Alvarez, 29-anyos; Daniella Tracy Alaba, 21; at ang rider na si Billy Joe Aquino, 27.

Ayon sa awtoridad, inihayag ng mga kaanak ng biktima na galing sa kaarawan ng ina ni Aquino ang magkakaibigan nang mangyari ang trahediya.

Sa kuha ng CCTV camera ng barangay, makikita ang truck na nakaparada sa gilid ng kalsada para magpalit ng na-flat na gulong.

Maya-maya lang, sumalpok na sa likuran ng truck ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima.

Labis ang pagdadalamhati ng pamilya ni Alvarez sa biglaan niyang pagpanaw. Magkakasama pa umano silang kumain nang araw na iyon.

Ayon sa kapatid ni Alvarez, pinaalalanan niya ito na huwag dadaan sa naturang bypass o diversion road na isang accident prone area.

Nasa kostudiya ng mga awtoridad ang driver ng truck na wala pang pahayag. Sinusubukan naman na makuhanan din ng pahayag ang kaanak ng dalawa pang biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News