Lima ang sugatan sa probinsya ng Lagayan, Abra matapos itong tamaan ng magnitude 6.4 na lindol nitong Martes ng gabi.

Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Officer-in-Charge Arnel Valdez, naitala ang injuries sa munisipalidad ng Lagayan kung saan dalawang bahay din ang nasira dahil sa malakas na pagyanig.

“Sa munisipalidad ng Lagayan kung saan nakasentro ang lindol natin, may limang indibidwal na may injuries. May dalawang bahay naman ang totally-damaged,” sabi ni Valdez sa isang panayam sa Unang Balita nitong Miyerkules.

Pansamantala umanong naninirahan sa mga tents sa labas ng bahay ang mga biktima ng lindol para na rin sa kanilang kaligtasan.

Suspendido rin ang klase at trabaho sa probinsya.

Wala pa umanong naitatalang landlslide sa mga major roads sa Abra. Samantala, napinsala naman ng lindol ang isang simbahan sa bayan ng La Paz.

Para naman sa mga pangangailangan, sinabi ni Valdez na kabilang sa kinakailangan nila ay ang food packs, at tents para sa mga lumikas.

Samantala, inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na bukod sa ilang bahay at empraestruktura na napinsala ng lindol, sinabi nito na nagkaroon din ng power interruption sa lugar na apektado ng lindol sa Cagayan.

Sa paunang impormasyon na inilabas nitong Miyerkules ng umaga, inihayag ng NDRRMC na dalawang empraestruktura ang napinsala sa Allacapan, Cagayan. Ayon sa lokal na pamahalaan, dalawang kalsada nila ang nagkaroon ng mga bitak.

Sa Aparri, dalawa bahay ang napinsala, at nagkaroon naman ng problema sa suplay ng kuryente sa Allacapan at Gattaran sa Cagayan, ayon sa NDRRMC.

Naramdaman din sa lakas na intensity 4 na Lindol sa Baguio City, ayon sa ulat ng GMA Regional TV News.

Sinabi rin sa ulat na walang pinsala at nasugatan sa lugar at tuloy ang aktibidad ng turismo.-- Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News