Nasawi ang isang tricyle driver matapos na masalpok ng kasalubong na truck ang kaniyang sasakyan sa Batangas. Sa Pangasinan, pasaherong babae naman ng tricycle ang nasawi sa katulad na insidente.

Sa ulat ni Mark Labaro sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage sa Maharlika Highway sa Barangay San Miguel sa Sto Tomas City, Batangas ang pagdaan ng isang 18-wheeler truck.

Maya-maya lang, nahagip na ng camera ang isang tricycle na nasa gilid ng naturang truck na nasalpok ng kasalubong na isa pang truck.

Tumilapon ang driver ng tricycle at naipit naman ang pasahero nito.

Isinugod sa ospital ang mga biktima pero binawian ng buhay ang driver ng tricycle at kritikal ang kondisyon ng kaniyang pasahero, ayon sa pulisya.

Sa imbestigasyon, sinabi ni Police Major Allan Nidua, Deputy Chief ng Sto Tomas City Police Station, na nag-overtake umano sa truck ang tricycle, at napunta sa kabilang linya kaya nahagip ng kasalubong na truck.

Tumakas ang driver ng truck pero naplakahan ito at natunton kung saang kompanya nakarehistro.

Sa Mangaldan, Pangasinan naman, nasawi ang isang babae matapos na mabanggga rin ng truck ang sinasakyan nitong tricycle sa Barangay Poblacion.

Nakaladkad pa ng truck ang tricycle,  bago ito bumangga sa pader ng isang bangko.

Sugatan ang asawa ng biktima, pati ang driver ng truck na naipit pa sa kaniyang sasakyan.

Ayon pulisya, biglang lumabas ng kalsada ang tricycle na hindi muna inaalam kung may dumadaan o paparating na sasakyan kaya nahagip ito ng truck.--FRJ, GMA Integrated News