Huli ang dalawang estudyante dahil sa pagbibigayan ng pinatuyong dahon ng marijuana sa loob ng kanilang pampublikong paaralan sa Calabanga, Camarines Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din ni Vonne Aquino sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing mga high school student ang mga suspek, na 19 at 20 taong gulang.

Base sa inisyal na imbestigasyon, mismong ang admin aide ng eskwelahan ang nakahuli sa kanilang pagbibigayan ng marijuana habang nasa loob ng paaralan.

Hawak na sila ng pulisya. Itinanggi ng isa sa mga suspek ang paratang, habang umamin naman ang isa sa paggamit ng ilegal na droga. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News