Patay ang isang lalaki at isang babae na sakay ng motorsiklo matapos silang salpukin at makaladkad pa ng isang pick-up truck sa Lipa City, Batangas. Ang driver ng pick-up na bumangga pa sa isang nakaparadang kotse, pumanaw din.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, kinilala ang nasawing sakay ng motosiklo na sina Edison Maranan, 53-anyos, at Joana Mapili, 29-anyos.

Sa kuha ng CCTV camera sa bahagi ng JP Laurel Highway sa Barangay Inosluban dakong 2:00 am noong Linggo, makikita ang mabilis na pagdating ng pick-up at sinalpok ang nasa unahang motorsiklo na sinasakyan nina Maranan at Mapili.

Nagtuloy-tuloy pa ang pick-up hanggang sa kabilang bahagi ng kalsada at bumangga sa nakaparadang kotse.

Sa lakas ng pagkakasalpok, wasak na wasak ang kotse na mabuting walang sakay.

Nasawi naman ang driver ng pick-up, at sugatan ang isa pa nitong sakay na si Phil Matthew Fornal.

"Medyo mabilis po ang takbo ng pick-up, hindi niya po siguro nakita itong motorsiklo na nasa unahan niya, nabangga niya. So nawalan siya ng kontrol, pumunta siya sa kabilang side ng kalsada at nabangga po ulit doon sa isang sedan," ayon kay Police Lieutenant Colonel Ariel Azurin, hepe ng Lipa city Police Station.

Hinihinala ni Azurin na maaaring nakainom ng alak ang driver ng pick-up truck, at hindi nakatulog.

Ayon sa kapatid, nagpaalam lang ang biktimang si Maranan na kakain kasama ang kaibigan at inihabilin sa kaniya ang kanilang ina.

Humihingi sila ng tulong sa gastusin sa pagpapalibing sa biktima.

Sinusubukan pa na makuhanan ng pahayag ang mga kaanak nina Mapili at Fornal, habang tumanggi nang magbigay ng pahayag ang pamilya ng nasawing driver ng pick-up, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News