Patay ang isang 19-anyos na babaeng estudyante matapos bumangga sa isang bus ang sinasakyan niyang motorsiklo sa Pangasinan. Ang rider ng motorsiklo, sugatan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV  One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang nasawing biktima na si Julie Dulay Pedro.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing pauwi na galing sa paaralan ang biktima at kaibigan nitong rider nang mangyari ang aksidente sa national highway sa bahagi ng Barangay Barangobong sa Tayug, Pangasinan.

"Ipinunta niya doon sa linya ng bus, doon na nabulaga si bus, na nandoon na sa harapan niya ang motorsiklo. Nahulog silang dalawa, halos nagsabay sila ng motor na tumilapon," ayon kay Police Major Anastacio Sibayan Jr., hepe ng Tayug Police Station.

Hindi na umano nakagawang makapagpreno ang bus dahil sa sobrang malapit na ang motorsiklo, base sa imbestigasyon.

Nagkausap at nagkasundo na umano ang magkabilang panig kaugnay sa nangyaring aksidente. --FRJ, GMA Integrated News