Nauwi sa suntukan ang umano'y pambabastos ng isang lalaking lasing sa isang babaeng buntis at kasama nito sa loob ng isang resort sa Iriga City, Camarin Sur.

Sa ulat ni Cris Novelo sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, makikita sa kuha ng cellphone video ang kaguluhan sa resort at nagsisigawan ang mga tao.

Nangyari ang insidente sa isang resort sa Barangay San Isidro, at mga guest umano ang sangkot sa kaguluhan ng dalawang grupo.

Kuwento ng operation manager ng resort na si Melnan Robles-Murallo, lasing ang isang lalaking guest at naghahamon, hanggang sa mauwi na sa suntukan.

Umawat naman ang security guard ng resort sa nagrarambol na guest at humingi rin ng tulong sa kapulisan.

Sa huli, nagkaareglo umano ang dalawang panig.

Dahil sa insidente, nagpaalala ang tourism office sa mga resort owner na limitahan ang kanilang mga kliyente sa pag-inom ng alak.

Ayon kay Louie Taduran, tourism officer, Irigay City, pinayuhan nila ang mga resrot na iwasan ang pagtitinda ng alak na pinagmumulan ng gulo kung minsan. --FRJ, GMA Integrated News