Nagsimula nang maagnas ang bangkay ng sampung-gulang na babae nang matagpuan ito sa isang sagingan sa Davao City.

Ayon sa ulat ni Jestoni Jumamil sa "Saksi", noong Biyernes, April 7, iniwan ang bata ng kaniyang lola sa live-in partner ng isa nilang kamag-anak ngunit nang balikan niya ay wala na doon ang bata.

Nang matagpuan ang bata nitong Linggo ay wala na itong buhay.

Nitong Martes naman ay sumuko ang lalaking pinag-iwanan sa bata na edad 20 anyos.

Umamin ang lalaki na bukod sa pagpatay sa bata ay ginahasa niya rin ito.

Kasalukuyan na siyang nahaharap sa kasong rape with homicide.

"Ang cause of death is may fracture sa dibdib. So natumba, nagcollapse, naglakad lang siya. Hindi daw sumunod. Binalikan niya hindi na raw gumagalaw. Dahil malinaw daw sa lugar hinila niya ang bata sa sagingan. Doon niya iniwan," ani Police Major Catherine Dela Rey, Spokesperson, Davao City Police Office. -- Sherylin Untalan/BAP, GMA Integrated News