Patay sa pananambang ng rinding in tandem ang isang public school district supervisor ng Department of Education (DepEd) sa Inabanga, Bohol nitong Huwebes.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Noel Duavis, 51-anyos, residente sa bayan ng Buenavista.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing sakay ng kotse si Duavis at pauwi na sa Buenavista nang pagbabarilin siya ng mga nakatakas na salarin.

Isinugod pa sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.

Sa Facebook post, nagpaabot ng pakikiramay si Inabanga Mayor Jose Jono Jumamoy, sa mga naulila ni Duavis, na inilarawan niya na mabuting tao at mahusay sa serbisyo.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring krimen. --FRJ, GMA Integrated News