Sipa, sabunot, at suntok ang inabot ng isang dalagita sa kamay ng tatlong babae na pawang 14-anyos na pinagtulungan siyang gulpihin habang kinukunan ng video ng isa pang dalagita sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Sa ulat ni Lou Ann Mae Rondina ng Balitang Bistak sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing kumalat sa social media ang naturang video na madidinig ang paghingi ng saklolo ng dalagitang biktima.

Nitong Lunes, sinabing humarap na sa tanggapan ng Barangay Maribago ang isa sa mga dalagitang sangkot sa pananakit, pati na ang dalagitang kumuha ng video.

Inamin ng dalagitang kasama sa pananakit na miyembro sila ng isang gang.

Tinangka naman daw ng kumuha ng video na pigilan ang kaniyang mga kasama sa ginagawang pananakit sa biktima.

Ayon sa ina ng dalagitang sangkot sa gulo, kaagad niyang dinisiplina ang anak nang malaman ang nangyari.

Inihayag din ng ina na dati ring nabiktima ng pananakit ang kaniyang anak at ipinakita pa niya ang video nang nangyaring insidente.

Sinabi naman ng barangay na natukoy na rin nila ang dalawa pang dalagita na sangkot din sa pananakit at dinala ang mga ito sa isang home care facility.

Nagtalaga naman ng mga tanod ang barangay sa lugar na pinangyayarihan ng insidente sa kanilang lugar.--FRJ, GMA Integrated News