Viral ngayon sa social media ang paninira ng ilang guests ng mga gamit sa isang resort sa Calamba, Laguna.

Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, nakunan ng CCTV ang paghagis ng mga nagtatawanang lalaki ng mga upuan sa swimming pool ng resort.

Maging ang water dispenser ng resort ay inihulog din sa pool.

Ayon sa may-ari ng resort, nagtapon din ng ihawan at buhangin ang mga lalaki sa pool.

Sa kabila ng kanilang ginawa, sinubukan pa raw ng mga lalaki na i-refund ang P1,000 nilang security deposit.

Pero nang sabihin daw ng caretaker na sisilipin muna ang lagay ng resort ay mabilis na umalis ang mga lalaki.

Dalawa raw sa mga sangkot ay nakipag-ayos na sa may-ari ng resort.

Hindi pa malinaw kung magsasampa ng reklamo ang may-ari ng resort laban sa mga guest.  —KBK, GMA Integrated News