Nauwi sa trahediya ang masaya sanang paliligo sa dagat ng magkakamag-anak na mula sa Nueva Ecija nang malunod ang dalawa nilang kasama na magkapatid na babae sa Lingayen, Pangasinan.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, kinilala ang magkapatid na nasawi na sina Marialyn Joy at Joanna Mae Sarmiento.

Nangyari ang trahediya sa baybayin na sakop ng Barangay Estanza. May binisita lang umano ang magkakaanak sa Lingayen.

"Allegedly ang napuntahan nila na area is ‘yung area na may rip current o sabang. Doon sa pinag-park nila na area, walang rip current doon pero napadpad sila [yung dalawa] sa rip current, umusog sila, ” ayon kay Kimpee Jayson Cruz, Deputy Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Lingayen.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), ang magkapatid ang unang naitalang insidente ng pagkalunod sa Lingayen ngayong taon.

Mayroon naman daw warning signs sa lugar patungkol sa peligro sa sabang.

"Sa iba’t-ibang area ng beach sa Lingayen, may signages kami about rip current o sabang. May paalala doon na kailangang gawin ng mga tao. May color coding na red, yellow and green area. Green area is safe talaga, yellow, caution lang, red ay no swimming zone,” ayon kay Cruz. -- FRJ, GMA Integrated News