Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 43-anyos na lalaki dahil sa saksak na tinamo niya sa leeg sa Malaybalay City, Bukidnon. Ang suspek sa krimen, tatlong menor de edad.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabi ng mga awtoridad na nangyari ang krimen sa Barangay Uno habang nakatayo lang sa labas ng kaniyang bahay ang biktima nang dumating ang mga suspek

Ayon kay Bukidnon Provincial Police Office Spokesperson, Police Major Jiselle Longakit, lumalabas sa imbestigasyon na isa sa mga suspek ang umikot sa likod sa basta na lang sinasaksak sa leeg ang biktima.

“According sa investigation, wala’y istorya, actually, ang duha niini, naa sa iyang atubangan ug kaning isa dayon nga male, minor gihapon, milipot sa iyang likod, kumbaga mituyok sa iyang likod, mao dayon to, gidunggab sa iyang tuo nga part sa liog,” sabi ni Longakit.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen pero wala umanong kinuha ang mga suspek mula sa biktima.

Naaresto naman ang dalawa sa mga suspek habang tinutugis ang isa pa.

Pinag-aaralan din ng pulisya kung puwedeng gamiting state witness ang dalawa laban sa tinutugis pang suspek.

Hinikayat ni Longakit na sumuko na ang suspek na dahil tukoy na nila ang kaniyang pagkakakilanlan. -- FRJ, GMA Integrated News