Tatlo ang nasawi, kabilang ang isang bata, nang sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kasalubong na bus sa Tagkawayan, Quezon.

Sa ulat ng GTV State of the Nation nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV camera na lumihis ng takbo ng motorsiklo at napunta sa linya ng paparating na bus na kanilang nabangga.

Nakaladkad pa ng ilang metro ang motorsiklo dahil hindi kaagad nakahinto ang bus.

Kaagad na nasawi sa pinangyarihan ng insidente ang rider, habang binawian ng buhay sa ospital ang dalawa niyang angkas, kabilang ang bata.

Nasa kostudiya ng mga awtoridad ang driver ng bus na wala pang pahayag, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News