Nasawi ang isang ginang na 74-anyos matapos pagtatagain ng sarili niyang anak habang natutulog sa kanilang bahay sa Talisay, Batangas. Pinuntirya rin ng suspek ang kaniyang pinsan at dalawa nitong anak.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, sinabing natutulog sa sofa ang biktima nang bigla na lang pagtatagain ng suspek nitong Martes ng gabi sa Barangay Aya.

Ayon sa pulisya, matapos pagtatagain ang kaniyang ina, pinuntahan ng 38-anyos na suspek ang kalapit na bahay ng kaniyang pinsan at pinatataga rin ito, kasama ang dalawang anak.

Nang madinig ng mga kapitbahay ang paghingi ng tulong ng mga biktima, pinuntahan nila ang bahay at napilitan nang tumakas ang suspek.

Naaresto naman ng mga awtoridad ang suspek nitong Miyerkules ng umaga.

Ayon kay Police Major Billy John Mactal, hepe ng Talisay Police Statio, wala pang linaw kung bakit ginawa ng suspek ang krimen.

Wala rin umanong nabanggit ang mga biktima kung gumagamit ng ilegal na droga ang suspek.

Hindi na muna nagbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, habang sinisikap pang makuha ang panig ng suspek.-- FRJ, GMA Integrated News