Nasakote ng mga awtoridad sa Naga City, Camarines Sur ang dalawang lalaki na nanakot umano sa isang 27-anyos na babae na ipakakalat ang kaniyang mga pribadong larawan at videos kapag hindi pumayag sa kanilang gusto-- ang pagtatalik ng "threesome."

Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV News nitong Martes, naaresto ang dalawang suspek sa isinagawang entrapment operation na inilatag ng Regional Anti-Cybercrime Unit (RACU) ng Philippine National Police (PNP).

Naging pangunahing target umano ng mga awtoridad ang 42-anyos na lalaki na dating kinakasama ng biktima.

Kasamang naaresto ng mga awtoridad ang isang 25-anyos na lalaki na kasama dapat sa "threesome" na nais nilang ipagawa sa biktima.

Napag-alaman na 2023 nang unang lumapit sa pulisya ang biktima dahil sa ginagawang pananakot ng kaniyang dating kinakasama.

Ayon sa Anti-Cybercrime Unit ng PNP, ginagamit na panakot ng suspek na dating kinakasama ng biktima ang mga maseselan niyang larawan at video na ipakakalat kapag hindi pumayag sa kaniyang gusto.

Nagsimula raw manggulo ang 42-anyos na suspek mula nang makipaghiwalay sa kaniya ang biktima, na mayroon silang dalawang anak.

Ayon kay Police Staff Master Sergeant Leah Rivera, Assistant Team Leader ng RACU Naga City at Camarines Sur, nitong Abril ay nagpapadala ng maseselang videos ang suspek sa kaopisina ng biktima.

Sinabi naman ni Police Captain Angelo Babagay, Team Leader ng RACU Naga City at Camarines Sur, “Paghiwalay nila, kapalit nung nude pictures, may request pa na magti-threesome sila kapalit nung pictures para hindi ikalat.”

Mahaharap ang dalawang suspek sa mga reklamong paglabag sa Anti-Trafficking Law at Cybercrime Prevention Act.-- FRJ, GMA Integrated News