Hiniling ng isang grupo ng mga Filipino nurse sa pamahalaan ng Pilipinas na humingi ng paglilinaw sa United States kaugnay ng panukalang pagbabago sa labor policy na maaaring magpahirap sa mga Pinoy healthcare worker na makakuha ng trabaho sa nasabing bansa.
Sa panayam sa Super Radyo DZBB, sinabi ni Filipino Nurses United President Jocelyn Andamo, na maaaring makaapekto sa mga Filipino nurse at physical therapist na naghahanap ng trabaho sa United States ang napaulat na planong pagbabago sa mga patakaran ng US Department of Labor.
Ayon kay Andamo, dapat makipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga opisyal ng US upang malaman ang estado ng panukala at ang posibleng epekto nito sa mga Pilipinong healthcare worker.
“Kung hindi pa nila alam, mahusay po ay makipag-communicate, yung clarification na ano ba ang status nito at ano ang magiging implication nito sa ating Filipino nurses,” pahauag ni Andamo.
Sa naunang panayam, sinabi ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, na hindi niya alam ang tungkol sa panukalang polisiya ngunit nangako siyang poprotektahan ang interes ng mga Pilipino.
Binigyang-diin ni Andamo na panukala pa lamang ang naturang hakbang at hindi pa ito naipatutupad.
Nilinaw niya na hindi maaapektuhan ang mga Filipino nurse na nagtatrabaho na sa United States, ngunit maaari nitong pahirapan ang pagpasok sa workforce ng US ng mga bagong aplikante, kabilang ang iba pang healthcare worker.
Sa kabila ng mga posibleng pagbabago, nananatiling mataas ang demand sa mga Filipino nurse sa United States, ayon kay Andamo. Aniya, marami nang American nurse ang nagretiro o lumipat sa ibang propesyon.
Bagama't mas mainam na manatili sa bansa ang mga Filipino nurse upang maglingkod sa mga lkababayan, sinabi ni Andamo na dapat manatiling malaya ang mga nurse na mamili at kung kinakailangan na samantalahin ang mga oportunidad na makapagtrabaho sa Amerika. — FRJ GMA News

