Ibinasura ng Third Division ng Sandiganbayan ang petisyon para sa piyansa nina Senador Rodante Marcoleta, dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, at dalawang iba pang kapuwa nila akusado sa kasong plunder kaugnay ng hindi idineklarang campaign donations na nagkakahalaga ng P75 milyon para sa senador.
Kinumpirma ito ni Atty. Dennis Pulma, Clerk of Court ng Third Division ng Sandiganbayan.
Ang dalawa pang kapwa akusado nina Marcoleta at Defensor na mananatili ring nakadetine ay ang mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray.
Batay sa criminal information na inihain ng mga tagausig ng Office of the Ombudsman, noong Disyembre 2025 lamang binayaran ang donor's tax para sa nasabing P75 milyong donasyon sa kampanya. Itinuturing itong indikasyon ng pagtatangkang itago ang donasyon dahil ibinigay na ito noong Enero 2025.
Sa isang panayam sa telebisyon noong Nobyembre 2025, sinabi ni Marcoleta na tumanggap siya ng P75 milyong donasyon mula sa kaniyang mga kaibigan. Gayunman, hindi niya ito idineklara bilang campaign expenditure dahil hiniling umano ng mga donor na manatiling anonymous o ayaw nilang magpakilala.
Ngunit sa position paper na isinumite ng senador sa Commission on Elections (Comelec), sinabi niyang personal na pondo niya ang nasabing halaga, dahilan upang ipatigil ng Comelec ang imbestigasyon.
Ang pagkakaiba sa mga pahayag ni Marcoleta ang isa sa mga naging batayan ng imbestigasyon ng Ombudsman at ng pagsasampa nito ng mga kaso laban sa senador at sa mga kapwa akusado.–FRJ GMA News

