Patay ang isang motorcycle rider matapos siyang magulungan ng truck na kasabay niyang umaarangkada sa highway sa Olongapo CIty.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya sa highway na bahagi ng Barangay Old Cabalan noong Miyerkules.

Sa CCTV footage na nakuha ng Olongapo Traffic Management and Public Safety at PNP - Traffic Enforcement Unit (TEU), makikita na magkasabay na binabagtas ng motorsiklo at truck ang highway.

Habang umaarangkada ang motorsiklo sa bahagi ng gilid ng daan, bigla na lang itong natumba papunta sa bahagi ng truck kaya nagulungan ang rider.

Natanggal pa ang helmet ng biktima na naiwang nakahadusay sa daan. Habang ang truck, hindi tumigil at nagtuloy lang sa pag-arangkada.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang driver o may-ari ng truck. --FRJ, GMA Integrated News