Nagtamo ng mga paso sa katawan ang isang vlogger matapos siyang uminom at magbuhos ng gasolina bago silaban ang sarili sa Calinog, Iloilo.
Sa ulat ni John Sala ng GMA Regional TV sa 24 Oras nitong Martes, sinabi ng vlogger na si Isagani Canja na gusto niya ng kakaibang content para madagdagan ang kaniyang followers at online views.
Matapos silaban ang sarili, nagtamo siya ng second degree burns.
Matapos ang kaniyang kinahinatnan, labis daw na pinagsisisihan ng dating tricycle driver ang kaniyang ginawa.
Ginagamot sa kasalukuyan ang vlogger sa ospital.
Nagbigay rin siya ng payo sa mga kapwa content creator.
''Huwag nilang sundin ang content ko dahil napakadelikado. Sa mga baguhan dyan, na-experience ko na, huwag nating gawin sa pag-vlog,'' sabi ni Canja. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News