Nasawi ang isang ginang at menor de edad niyang anak na babae matapos silang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Rosales, Pangasinan. Ang ina, nakalabas na umano ng bahay pero bumalik upang iligtas ang anak.Sa ulat ni CJ Torida ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang trahedya sa Zone IV, Barangay Carmen West nitong Martes.Natupok ng apoy ang isang bahay na gawa sa light material at apat pang estruktura. Aabot umano sa P2.5 milyon ang pinsala ng sunog.“Nakalabas na ‘yung ina. Nag-panic, nakalimutan ‘yung anak niya. Binalikan niya. So, dahil sa panic niya, nakita niya masyadong malakas ‘yung apoy. At saka ‘yung exit nila kasi is galing doon banda ‘yung apoy. So, na-trap sila,” ayon kay Arson Investigator SFO1 Joseph Ullibac ng Rosales Fire Station.Isang nakatatandang lalaki ang nasugatan din matapos niyang tangkain ng iligtas ang mga biktima.Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pinagmulan ng sunog na tumagal ng dalawang oras.Isang sunog din ang sumiklab sa isang paaralan sa Laoag City, Ilocos Norte. Naglabasan ang mga estudyante sa kanilang silid-aralan nang magliyab sa school theater.Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog pero mayroon umanong nagwe-welding sa loob ng teatro na isa sa mga pinaghihinalaan ng BFP na sanhi ng sunog. -- FRJ, GMA Integrated News