Sinampahan na ng kaso ang magkapatid na suspek sa pagnanakaw nang hindi bababa sa 132 solar streetlight sa Santa Barbara, Iloilo.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Miyerkoles, sinabing patuloy ang ginagawang imbentaryo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bilang mga nanakaw na ilaw.
Ayon kay Raphy Señeres, hepe ng Santa Barbara Municipal Police Station, ninakaw umano ng magkapatid ang mga ilaw dahil maaari nilang pagkakitaan ang mga frame nito.
“Kinuha daw nila kasi maaari nilang mapakinabangan ang mga frame ng solar light. And later on, nakasanayan na nila. Kaya naging pa-ulit-ulit na ang kanilang pangunguha,” sabi ni Señeres.
Noong Mayo 25, nakarekober ang Santa Barbara Police ng 24 solar panels at pitong lithium batteries mula sa bahay ng magkapatid sa Barangay Cabugao Sur.
“Yan ang idadagdag natin as evidence kasi nakuha natin yan sa bahay ng mga suspek,” anang opisyal.
Hanggang sa kasalukuyan, nananatiling pinaghahanap ang magkapatid. Ayon sa kanilang kapatid na babae sa panayam ng GMA Regional TV News One Western Visayas, hindi na umuuwi ang kaniyang mga kapatid mula nang mabunyag ang ginawa nilang pagnanakaw.
“Ilang beses na naming pinagsabihan kaso matigas naman kasi,” ayon sa kapatid.
Isang video na kuha alas-3 ng madaling araw noong Mayo 11, 2026 sa Barangay Bolong Oeste, Santa Barbara, nakuhanan ng video ang aktuwal na pagnanakaw ng mga suspek na umakyat sa poste.
Ayon kay Larry Deatras, Pangulo ng Liga ng mga Barangay ng Santa Barbara, Iloilo, noong ikalawang linggo ng Mayo nila napansing nawawala na ang mga ilaw.
Ang bawat solar streetlight, nagkakahalaga umano ng P34,000.
“Malaking losses para sa gobyerno na nagsusumikap na mapaayos at ma-beautify ang lugar kasi maliban sa town of the heritage kami, daanan pa papuntang airport,” ayon kay Deatras.
Natukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek dahil sa video. Kasama umano nitong umaatake ang kaniyang kapatid, at isa pang kaibigan.
Noong 2025, nahuli na rin umano ang suspek sa katulad na insidente pero hindi itinuloy ang pagsasampa ng kaso.
Mahaharap ngayon ang magkapatid sa kasong theft. – FRJ GMA News
