Patuloy na perhuwisyo ang dulot ng mga pagbaha sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa tuwing malakas ang ulan. Gaya nang sinapit ng maraming motorista na na-stranded sa NLEX kamakailan. Bakit nga ba patuloy ang mga pagbaha at ano ang mga puwedeng solusyon sa problemang ito? Alamin.
Sa panayam sa kaniya sa programang Unang Hirit sa GMA, ipinaliwanag ni Dr. Mahar Lagmay, Executive Director ng University of the Philippines Resilience Institute (UPRI), na batay sa kasaysayan, malaki na ang pagbaha sa Central Luzon magmula pa noong 1972, lalo na kapag umaapaw ang Pampanga River dulot ng matinding Habagat, malakas na pag-ulan at bagyo.
Katulad nang nangyayari sa NLEX, na nababarahan ang tubig na dumadaan papuntang Manila Bay na mula sa Nueva Ecija, at bumaba sa Pampanga River.
“Yung Pampanga River ay tumataba. One hundred meters ang lapad niyan, nagiging 10 kilometro. So dadaan ‘yan papuntang Manila Bay,” paliwanag ni Lagmay.
Ayon kay Lagmay, isang kapatagan ang Central Luzon Plain, na napapaligiran ng Sierra Madre at Zambales Range, pati ng mga kabundukan sa Nueva Viscaya at Ecija.
“Kapag umulan nang malakas sa mga kabundukan na ‘yan, lalo na kapag medyo malaki, umaabot ng 250 mm in 24 hours or mas higit pa, ang lagusan ng bumuhos na tubig na iyon ay bababa doon sa kabundukan, dadaloy doon sa Central Luzon Plain. Primarily doon sa mga malalaking ilog katulad ng Pampanga River. Gusto po niyan lumabas papuntang Manila Bay,” paliwanag niya.
Idinagdag ni Lagmay na ang pag-apaw ng Pampanga River ay dahil sa dami ng tubig.
Bukod rito, nakararanas din ng pagbagsak o “pag-sink” (lubog) ng lupa sa Central Plain.
“Bumabagsak ito, ibig sabihin niyan, kapag bumaba, nagsi-sink, bumababa. Kapag malapit sa dagat yan, ‘yung tubig dagat ay papasok. ‘Pag pumasok ‘yan, tapos meron kang tubig baha, may baha ka na bumababa papuntang Manila Bay, nakaharang din siya. Kaya po tumatagal ‘yung pagbaha diyan or minsan tumataas pa,” patuloy ni Lagmay.
Karagdagan nito, bumababa rin ang lupa sa ilang bayan sa Bulacan. Sinabi ni Lagmay na pinakamalaking nakita nilang pagbaba ng lupa roon ang halos 11 sentimetro kada taon.
“Ibig sabihin ‘yun, sa sampung taon ay magiging lagpas isang metro. Kapag 20 years, magiging dalawang metro,” paliwanag ni Lagmay.
Karamihan sa mga baha, maging sa Metro Manila, ay matatagpuan sa “low-lying areas” kung saan dumadaloy ang mga sapa o creek.
“Lahat ng mga intersection ng sapa at saka ng mga kalye ay nilapatan natin ang kalye. So kapag biglang bumuhos ‘yung ulan, katulad ng may thunderstorm, dadaloy doon ‘yung tubig, ma-o-overwhelm ‘yung sapa o ilog, babahain ‘yung kalye,” sabi ni Lagmay.
Ilang solusyon
Ilan sa mga nakikitang solusyon ni Lagmay ang pagtatayo ng mga detention basin, gaya ng sa Rizal Memorial Baseball Stadium malapit sa Taft Avenue.
May kapabilidad naman ang UPRI-NOAH na mag-simulate kung gaano ang magiging ka-epektibo ang mga detention basin, bago pa man gumastos ang gobyerno.
Binanggit din ni Lagmay ang 1941 Quezon City master plan na binuo ng Amerikanong arkitekto na si Harry Frost, kung saan nakita na kapareho sa flood hazard map na meron ang UPRI-NOAH sa green spaces na ipinakita sa naturang master plan.
“Pero imbis na ‘yung forests, ‘yung parks, ‘yung green spaces, kung talagang hindi na maiiwasan ang mga komunidad, susubukan lagyan ng mga katakot-takot na detention basins, i-restore ‘yung mga posibleng i-restore, i-preserve ‘yung mga green spaces na mayroon pa. At ‘yan naman po ‘yung ginagawa, lalong-lalo na dito sa Quezon City, sa pamumuno ni Mayor Joy Belmonte,” paliwanag niya. Panoorin sa video ang buong talakayan sa naturang usapin. –FRJ GMA News
