Kasalukuyang nakararanas ng maruming hangin ang ilang lugar sa Metro Manila, pati sa ibang lugar sa Luzon at Visayas dahil sa “transboundary haze” o usok mula po sa patuloy na forest fire sa Indonesia.
Sa programang Unang Hirit ng GMA nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Dr. Gabriel Borlongan, Division Chief ng Environmental and Occupational Health Division ng Department of Health, na ang haze ay isang manipis hanggang makapal na layer ng usok at maliit na pollutant particles na naiipon sa hangin, na nagpapalabo ng tanawin at nagpapababa minsan ng air quality.
“So, sa kasalukuyang sitwasyon po, ang haze na naranasan natin sa ilang bahagi ng Pilipinas ay posibleng kaugnay ng usok mula sa mga forest fire sa Kalimantan, Indonesia, na nagdadala ng mga hanging Habagat patungo sa atin po,” paliwanag niya.
Kaya hindi sapat na titingnan lang ang hangin para matukoy kung ligtas ito, kundi may ilang sinusunod na parameter.
May anim na kategorya ng air quality index na inilalabas ng DENR.
- Green hanggang yellow (Good hanggang Fair): Wala pa ng problema sa hangin at wala pang abiso na kailangang gawin.
- Orange o unhealthy for sensitive groups: Kailangan nang mag-ingat ang mga may comorbidities at may mga sensitive o vulnerable population.
- Red o very unhealthy: Kailangan nang pagtibayin ang proteksyon sa lahat
- Purple o Acutely unhealthy: Mas mataas ang protection measures na kailangang gawin para sa sarili.
- Maroon o Emergency: Ito na ang pinakamataas na protection measures na nararapat gawin.
“Dahil nga nasa hangin ang ating mga pollutant particles na PM2.5, maaaring pumasok sa ilong, sa baga, at dahil maliliit sila, puwede sa dugo, pumunta sa mga daluyan ng ating dugo sa arteries po,” sabi ni Borlongan.
“So, sa una po puwede magkaroon ng iritasyon sa ilong, sa baga, na inuubo ka, sinisipon. Tapos puwede rin po sa mata po,” dagdag niya.
Para maprotektahan ang sarili sa haze, iwasang o ipagpaliban ang paglabas kung hindi kailangan.
Kung hindi naman maiiwasang lumabas ng bahay, magsuot ng N95 mask o mga katumbas na mask na tinatawag na “respirator.”
Puwede rin ang mga karaniwang face mask kung walang N95 mask, ngunit kailangang doblehin ang pagsuot nito.
“Kung wala po tayong N95 or ibang respirator, puwede po tayo nitong mga karaniwang face mask. Ang kailangan lang po sana is dalawa po,” sabi ni Borlongan.
Dagdag proteksiyon ang pagsunod sa A.I.R.
- A - Alamin ang air quality sa lugar at bantayan ang official advisories.
- I - Iwasan ang exposure kapag hindi maganda ang kalidad ng hangin.
- R - Rumesponde agad kung may sintomas gaya ng pag-inom ng tubig at paghugas sa mata
Kapag mas malala o hindi nawawala ang mga karamdaman, pumunta agad sa malapit na hospital o clinic upang kumonsulta.—FRJ GMA News
