Nanlumo na lamang ang ilang pamilya sa Lubao, Pampanga nang gumuho at tangayin ng ilog ang mga ipinapatayo nilang bahay sa kasagsagan nang walang tigil na ulan kamakailan. Ano nga ba ang dahilan at naging mapaminsala ang ilog? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” nakilala ni Jessica si Rockwell De Leon, ang mismong kumuha ng video habang tila inuuka ng tubig sa ilog ang pundasyon na kinatitirikan ng bahay.
“Tapos natiyampuhan namin noong saktong mahulog na po siya, dire-diretso na po siya, nilamon na po siya ng tubig na parang wala lang,” kuwento niya.
Sa pagbisita ni Jessica sa Sta. Rita–Sto. Cristo, malakas pa rin ang agos ng tubig sa kanilang dam sa sandaling iyon.
Bago nito, naging problema ng dam ang pagbara ng mga torso, kaya naghanap ng ibang madadaanan ang tubig.
Nagmistulang halimaw na nakawala ang rumaragasang tubig sa ilog habang winawasak ang lahat ng madadaanan nito.
Bukod sa mga tahanan, sinasagasaan din ng ilog pati ang mga pananim o kabuhayan ng mga residente.
Ayon kay Carling Cristobal, mga magkakamag-anak ang lahat ng mga nakapagpatayo ng bahay sa lugar.
Samantala, anak ni Nanay Angeles Montemayor ang may-ari ng bahay na nahulog sa ilog nitong Biyernes.
“Sabi ko, ‘Ito na 'yung tubig, parating na. Akyat ka sa taas.’ Sabi, ‘Ayoko, madulas ang tubig. Uwi na kayo,’ sabi, umuwi na po ako, nagpunta po ako sa banda roon,” kuwento ni Nanay Angeles.
Ayon sa kaniya, umabot na sa P3 milyon ang nagastos ng kaniyang anak sa pagpapatayo ng bahay.
“Kasi buo na po eh, lilipat na lang po siya, ganun po. Wala po (natira). Mayroon na pong gamit sa loob ‘yun,” sabi niya.
Ayon kay Nanay Angeles, street food vendor sa Pasig ang kaniyang anak, na namuhunan ng dugo at pawis para sa kaniyang bahay na unti-unting binuo sa loob ng maraming taon.
Ngunit sa loob lamang ng ilang segundo, mahuhulog ito at aanurin.
“Noong maliit pa ang mga anak niya, nag-iipon na po siya. Ngayon po, maagang namatay ang asawa niya. Siya na lang po mag-isa nag-alaga sa mga anak niya. Hanggang po ngayon nagtitinda pa po siya,” kuwento ni Nanay Agnes tungkol sa kaniyang anak.
“Sabi po niya, buti raw hindi kami nangamatay,” sabi pa niya tungkol sa sinabi ng anak.
Ang bahay naman nina Joe Marie Montalbo na nasa kabilang pampang, mukhang tinatapos pa lang ngunit nasa bingit na rin ng panganib.
“Baka po hindi na namin kukunin ng asawa ko. ‘Pag hindi po siya nahulog, kukunin po namin 'yung pakikinabangan namin gaya ng bubong po, kasi mahal po ngayon ang materyales,” sabi ni JM.
Ayon sa kaniya, kulang-kulang na rin sa milyon ang kaniyang nagastos para sa kaniyang ipinatatayong bahay.
“Sobrang sama po (ng loob). Kasi natanggal po ako sa trabaho. Tapos, 'yung bahay namin kakaumpisa lang po. Mag-i-start pa lang po kaming pamilya. Kung maipupundar kami para ano, pero wala po. Talagang ang sakit, ma’am. Sobrang sakit,” saad niya.
Ilang oras lang matapos makapanayam si JM, nabalitaan na lamang na bumagsak na sa ilog ang bahay na pinangarap niya at ng kaniyang misis.
Batay sa nakalap na impormasyon ng KMJS, ilang taon na ang dam pero bago pa lang ang sementadong tila pader sa gilid ng ilog para harangin ang tubig. Pero kahit bago pa lang, nakitaan na umano ito ng mga butas.
Dahil dito, nawalan ng kumpiyansa at tiwala ang marami sa mga taga rito sa mga proyekto.
Hindi naman naitago ni DPWH Secretary Vince Dizon ang kaniyang pagkadismaya sa mga pumalyang mga proyekto.
Lalo pa siyang nainis matapos malaman na sa itaas na bahagi ng ilog, may isa pang proyekto ang DPWH, na mukhang natengga lang o hindi tinapos.
“Ang problema, for the last six years now to seven years, hindi tinapos 'yung project. Tinawag ko 'yung tao namin na in charge na matagal na, nagtuturuan sila, tapos na raw 'yung part nila, pero ang bottom line, hindi pa tapos 'yung buong project,” ani Dizon.
Tunghayan sa video ang buong ulat tungkol sa mapaminsalang pagragasa ng ilog. Panoorin. – FRJ GMA News
