Inihayag kamakailan ng gobyerno ang planong "Oplan Kalinga" kung saan magbabahay-bahay ang kapulisan at local government personnel para hanapin ang mga COVID-19 positive na naka-home quarantine para mailipat sa mga itinakdang quarantine facility. Ngunit malalabag ba nito ang right to privacy ng isang tao?

Sa "Kapuso sa Batas" ng GMA News "Unang Hirit," ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion, na nagkakaroon ngayon ng pagbibigay sa right to privacy ang mga tao sa panahon ito ng COVID-19 pandemic tulad ng pagbibigay ng pangalan at numero para sa contact tracing.

"Isa na itong halimbawa sa pagbawas ng ating right to privacy pero mas makakatakot on that yung constitutional rights natin to be secure in our homes ang nakakabahala sa akin," sabi ng abogada patungkol sa gagawing pagpunta ng mga awtoridad sa bahay.

Patuloy ni Atty. Concepcion, "Kaya siguro natatakot din ang mga tao, halimbawa 'yung mga pulis, 'yun kasi ang unang sumalubong sa atin, pupunta sa bahay, sino ang hahanapin nila, asymptomatic. May testing ba 'yan o wala? 'Pag umubo ka, 'Tayo na' pero imbes na sa presinto, dadalhin ka sa quarantine facility."

Malaking katanungan din para kay Atty. Gaby kung ano ang mangyayari sakaling hindi sumama ang taong pinaghihinalaan nilang may virus.

"Paano 'pag umayaw ka 'di ba, ano 'yung scenario?" tanong niya.

Kaya sabi ni Atty. Gaby, dapat may malinaw na guidelines na ilabas ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng Oplan Kalinga.

Panoorin ang buong talakayan sa video.

--FRJ, GMA News