Hindi naging hadlang ang kawalan ng mga kamay at paa ng isang babae para maghatid ng good vibes sa TikTok. Bukod dito, nagamit din niya ang social media para matulungan ang mga kapwa niya Persons With Disability (PWDs).

Sa "Bright Side" ng GMA Public Affairs, sinabing mayroong mahigit 500 followers ngayon ang Tiktoker na si Mutya Marcelino.

Dahil sa social media, natuto siyang gumawa ng puto at ibinebenta ito ang mga ito online.

At ang kaniyang kinikita, kasama na rin ng mga natatanggap niyang tulong, ibinabahagi niya sa mga kapwa may kapansanan.

"Masaya pong makatulong sa kapwa eh kahit wala po ako, basta po merong dumating sa akin, ibibigay ko sa iba," sabi ni Mutya.

Noong nakaraang Disyembre, namigay si Marcelino ng relief goods bilang kawanggawa sa kaniyang kaarawan. Nakagastos siya ng P4,000 na galing sa kaniyang ipon.

Nagsagawa rin siya ng relief operations para sa 40 PWD sa kanilang barangay sa panahon ng lockdown.

Tunghayan ang kaniyang kuwento sa video na ito "Bright Side."--Jamil Santos/FRJ, GMA News