Sa halip na malugmok sa sama ng loob dahil nawalan ng trabaho at naging Locally Stranded Individual (LSI) sa Cebu, naisipan ng isang lalaki na magbenta ng sawsaw para makabangon. At sa kaniyang tagumpay, nakatulong din siya sa ibang taong naapektuhan ang kita dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News "Saksi," sinabing mahigit isang buwang namalagi sa quarantine facility sa Cebu ang call center agent na si Gerwin Yudelmo matapos siyang mawalan ng trabaho.

"Doon sa quarantine facility naisipan ko na magtayo ng negosyo. Naisipan ko bigla na ang sawsawan ang magiging business ko paglabas ng quarantine," ayon kay Yudelmo, na taga-Bohol.

Simple lang ang sangkap ni Yudelmo sa kaniyang sawsawan na binubuo ng suka, luya, bawang, at sili.

Dahil sa kaniyang recipe na sinamahan niya ng sipag at diskarte, nakabangon siya mula sa mapait niyang kalagayan.

"'Yung sawsaw kasi naging part na siya ng aming meals everyday. Hindi talaga siya nawawala sa aming hapag," sabi ni Yudelmo.

Hindi lang pampagana at pampalasa ng iba't ibang masasarap na pagkain, nakatulong din ang sawsawan business ni Gerwin para kumita ang iba pang nangangailangan.

"Malaking pasalamat ko kay sir Gerwin na nag-order ng sa suka ko. May kita na rin nang kaunti. Makakabili na ng makakain," sabi ni Rodel Punay, tagakuha ng tuba o katas mula sa puno ng niyog na ginawagang suka.

Ayon kay Yudelmo, sa bawat bote ng sawsawan na maibebenta, ibibigay ang P1 nito sa Project HOPE para sa mga LSI sa Cebu.-- FRJ, GMA News