Handa nang harapin ng isang 32-anyos na binata sa Zamboanga City ang matinding takot sa pagpapatuli upang tumaas ang kompiyansa sa sarili, at hindi na mahiyang ligawan ang babaeng crush niya mula pa sa pagkabata nila.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ng binata na itinago sa pangalang "Alex," na grade 6 pupil siya noon nang magplano siyang magpatuli.

Pero dahil sa takot niya sa operasyon at dugo, at hindi pa siya "tagpos," o lubos na nababanat ang balat sa ulo ng maselang bahagi ng katawan, hindi niya itinuloy ang pagpapatuli.

At mula noon, iningatan na ni Alex ang kaniyang lihim.

Ayon pa Alex, isang-taong-gulang pa lang siya nang pumanaw ang kaniyang ama. Ang ina niya ang mag-isang nagtaguyod sa kaniya.

"Siguro kung may tatay ako, siya na mismo ang mag-push sa akin na i-proceed ko yung operasyon," sabi ni Alex.

Nang magbinata, nakapalagayan niya ng loob si "Ruby," hindi niya tunay na pangalan, na crush ni Alex mula pa noong nasa elementary sila.

Sa paglipas ng panahon, naging malapit sila sa isa't isa at nagkaroon ng mutual understanding o MU.

Pero nang minsan na magkasama sila sa isang lugar sa pagtulog, tumanggi si Alex nang ayain siya ni Ruby na tumabi sa kaniya sa higaan.

Pag-amin ni Alex, natakot siya na baka matuklasan ni Ruby ang kaniyang lihim na hindi pa siya tuli.

Mula noon, umiwas na si Alex kay Ruby.

Sinabi ni Ruby na mas gusto niya ang lalaking tuli na.

Ngayon na muling nahulog ang loob ni Alex kay Ruby, at nais niyang ligawan muli ang dalaga, nais muna ng binata na ayusin ang kaniyang sarili.

Kaya naman nagpatulong siya na matuli.

Ang maraming taon na kaniyang kinatakutan na gawin, natapos sa loob lang ng 30 minuto.

Matapos na matuli, nagharap sina Alex at Ruby, at ipinaalam ng binata na tuli na siya.

"Finally binatang binata ka na," natatawang biro ni Ruby sa kaniya.

Inihayag na rin ni Alex ang hangarin nito kay Ruby na ligawan siyang muli. Magbunga kaya ang pagpapatuli ng binata o mauuwi sa wala? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News