Masarap balikan ang mga larawan na kasama ang mga mahal sa buhay dahil nagbibigay ito ng magandang alaala. Ngunit maaari din itong magdulot ng pighati lalo na kung habambuhay mo nang hindi makakapiling ang kasama sa larawan.Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita si Anne Santos, na mula sa Bulacan, na hindi napigilang maiyak nang makita ang ipinint niyang family picture nila na kasama ang kabiyak na si Marlon, at isa nilang anak.Kahit nagpapakatatag para sa kanilang anak, hindi naiwasan ni Anne na tumulo ang luha dahil sa isang iglap, ang dati nilang buong pamilya sa larawan ay kulang na matapos yumao si Marlon nito lang nakaraang Pebrero."Parang ang hirap bumangon. Nakikita kong buo kami dati sa picture, ngayon dalawa na lang kami," saad ni Anne.Noong nakaraang July 2024, natuklasan na mayroong acute lymphoblastic leukemia ang kaniyang partner na si Marlon.Sa panahon ng pakikipaglaban ni Marlon sa kaniyang karamdaman, nanatiling positibo ang pananaw ng dalawa."Sobrang positive po kasi namin talaga ni Dabby [Marlon], na lahat po ng mga negative na sinasabi sa amin ng ibang tao hindi namin nire-recieve," kuwento ni Anne.Nang sumapit ng Setyembre 2024, nakatanggap sila ng magandang balita na cancer free na si Marlon. Ngunit pagkalipas lang ng ilang buwan, muli silang humarap sa pagsubok.Nag-relapse ang sakit ni Marlon nitong nakaraang Enero 2025. Habang unti-unting nawawalan ng pag-asa si Marlon, palagi pa ring pinapalakas ni Anne ang loob ng kabiyak upang labanan ang sakit."Nabigla po siya, parang nawalan na siya ng ganang magpagaling. Sobrang nag-breakdow siya. Pero hindi ko ipinapakita sa kaniya na napanghihinaan ako kasi once na napanghinaan ako ng loob baka panghinaan din siya ng loob. Kailangan lang super positive ako," pagbahagi ni Anne.Ngunit pagkaraan lang ng halos dalawang linggo mula nang bumalik ang kaniyang sakit, nitong nakaraang Pebrero, hindi na kinaya ng katawan ni Marlon ang laban at binawian na siya ng buhay."Masakit kasi biglaan. Wala kasi sa isip ni Daddy na mawawala po siya. Super positive po kasi niya na gagaling siya," sabi ni Anne.Hirap man siyang tanggapin, nagpapakatatag si Anne sa sarili naman niyang laban ngayon para sa anak nila ni Marlon."Parang sinabi ko kay Lord na kailangan kong lumaban. Totoo po na kailangan kong lumaban kasi may isa pa akong naiwan na anak," ayon kay Anne, na labis pa ring nagdadalamhati sa pagkawala ng kaniyang kabiyak sa buhay.ALAMIN: Ano ang mga dapat gawin at salitang dapat iwasan 'pag nakikiramay sa taong nawalan ng mahal sa buhay-- FRJ, GMA Integrated News