Dahil sa kawalan ng malapit na tulay, sumasakay na lang sa isang nasirang tramline ang mga residente para tawirin ang Busuanga River sa Occidental Mindoro na malakas ang agos. Sa bayan naman ng Bongabong, Oriental Mindoro, buwis-buhay din ang mga guro, estudyante at mga residente na kumakapit sa sirang hanging bridge para makatawid din sa rumaragasang ilog.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” makikitang para makatawid, uupo sa isang parang duyan ang mga residente, saka mano-manong hihilain ng mga nasa magkabilang dulo ng tramline ang nakakonektang lubid para umandar.
Dalawang minuto lamang ang biyahe ngunit buwis-buhay naman dahil maaaring mahulog ang sakay nito sa rumaragasang tubig sa ilog.
Halagang P20 ang singil ng mga tagahila sa kada pasahero. Sa isang araw, kumikita sila ng hanggang P400.
Ang pinakamalapit namang tulay na puwedeng gamitin ng mga residente na mas ligtas, dalawang oras pa raw ang layo sa kanilang lugar.
Isa si Aybong Boksi, lider ng katutubong Buhid Mangyan, sa mga umaasa sa tramline para makapunta sa bayan na nasa kabilang ilog para bumili ng gamit kapag tumataas ang tubig sa Busuanga River dulot ng ulan.
Ang residente namang si Agbo Rumbay, na may bukol sa kaliwang bahagi ng kaniyang likod, sumakay din ng tramline nang mabalitaan na may pa-ayuda sa kabilang bahagi ng ilog. Pero pagdating niya sa barangay, wala naman ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga benepisaryo ng ayuda.
May pakonsuwelo pa rin naman siyang natanggap na 15 kilong bigas na kaniyang binitbit at isinakay sa tramline pag-uwi.
Taong 2011 pa ipinatayo ang tramline sa Barangay Manoot ngunit para sa mga produkto ng mga katutubo at hindi talaga para sa tao.
“For agricultural purposes siya, cage lang po talaga siya. Ang capacity po noon ay 500 kilos lang po. Ang haba po nito ay nasa 780 meters po. Nagkaroon lang po ng re-channeling ng ilog. Dahil na-re-channel po, natumba po ‘yung isang poste. So simula po noon, nag-stop na po 'yung operasyon. Kasi hindi na po siya ma-mechanize. Two to three years lang siya nagamit,” paliwanag ni Engr. Mark Alvin Almanzan ng Municipal Agriculture Office.
Inamin naman ni John Carlo Motril, PIO ng Municipality of Rizal, na may pagkukulang ang lokal na pamahalaan dahil hindi sasapat ang kanilang pondo para sa malaking proyekto.
Samantala, sa bayan naman ng Bongabong, sa tulay din umaasa ang mga guro, estudyante at mga residente para makatawid. Ngunit dulot ng malakas na ulan, bumigay ang kanilang hanging bridge.
Ang naturang tulay ang tanging daan papunta sa paaralan, kaya wala silang magawa kundi kumapit nang mahigpit sa mga kinakalawang na kabilya habang tinatawid pa rin ang nasirang tulay.
Oras na 4:30 p.m. ang uwian noon ng mga estudyante ng Naswak Hatubuan Bangon Elementary School. Gayunman, hindi na makabalik sa kabilang bahagi ng isla ang mga tumawid na titser sa paglakas ng agos ng ilog dulot ng sama ng panahon.
Kaya ang guro at asawa ni Rudyven Meren Rivas na si Angie, sa eskuwelahan muna nagpalipas ng gabi. Kasamang nanatili ni Angie sa eskuwelahan ang school head na si Russell Balontong.
“Naghiling kami na magkaroon ng magandang tulay para lang makapag-aral ang aming mga anak at makapagtawid ang aming mga guro. Tapos ang mga pamayanan makakatawid din upang makuha ng pagkain,” panawagan ng residenteng si Lawinay Giayan.
Agad na nagkasa ng rescue operation ang MDRRMO nang mabalitaan ang sitwasyon ng mga hindi na nakatawid sa sirang tulay.
Nagkabit ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ng lubid sa nasirang tulay para kapitan ng mga guro sa kanilang pagtawid.
Mula sa kabilang bahagi ng ilog, kalahating oras pa ang kanilang binuno bago narating ang paaralan. Doon na nila nakita ang mga guro, na nanatili dahil sa sama ng panahon.
Sinuotan na sila life vest at helmet saka isa-isang tinalian ng mga rescuer sa bewang. Nakakabit naman sa lubid na ikinabit ng BFP ang tali.
Ayon sa mga awtoridad, 15 mga titser lahat ang kanilang na-rescue.
“Kinikilala ng DepEd na hindi ito dapat maging normal o katanggap-tanggap na sitwasyon. Dapat walang guro ang nanganganib ang buhay araw-araw para lamang makapagturo,” sabi ng DepEd sa pahayag.
“Natatanggap na ng ating mga guro ang Special Hardship Allowance o SHA katumbas ng 25% ng monthly salary base sa Hardship Index. Kukumpirmahin pa rin namin sa SDO Oriental Mindoro kung nakukuha na ni Teacher Hilda Fran,” dagdag niya.
“Kung sakaling kulang o kailangang i-adjust ang kanilang natatanggap dahil sa lumalalang sitwasyon, handa kaming i-review ito,” ayon pa sa DepEd.
Paliwanag naman ng DPWH, may plano nang gawing bakal ang tulay na nagdurugtong sa Sitio Balite at Sitio Naswak na may pondo na P18 milyong.
Agosto 5 pa dapat nagsimula ang proyekto, batay sa nakabalandra nilang tarpaulin. Pero paliwanag ng kontratistang MG Dragon Construction Services, sinimulan na nila ang paggawa sa mga materyales na gagamitin.
“Nakakuha ko na nga na 35% of the steel components doon… Kasi doon sa area, wala pa kaming barracks para gawin doon at saka mahina ang kuryente. Sinisimulan na po natin. Ang pagkakaalam ko, ang kabuuan po ng bridge ay 216 meters. Ang nakuha po natin ay iyong phase 1,” sabi ni Marlon Goco, Proprietor ng MG Dragon Construction Services.
“Hindi po tayo delayed. Ngayong 2027, nakapropose na rin po siya para iyong second phase natin ay maisunod natin. Matatapos po tayo ng probably first semester of 2028 or pwede ring end of 2027,’ sabi ni Engr. Annielyn Padullo District Engineer, DPWH Southern Mindoro District Engineering Office. – FRJ GMA News
